Base sa sinabi ni Superintendent Rodrigo De Gracia, police provincial commander ng Cagayan, nakatanggap ang kanyang opisina ng impormasyon tungkol sa isang kalabaw na isinilang na may ulo ng tao na pinagkakaguluhan ng mga tao may dalawang araw na ang nakakalipas kung kayat agad niyang pinuntahan ang naturang lugar.
Dakong alas-11:30 ng umaga nang personal na masaksihan ni De Gracia ang kakaibang anyo ng bagong silang na kalabaw sa likurang bahagi ng bahay ng isang nagngangalang Tony Baggay sa nabanggit na barangay.
Sa pagsasalarawan ni De Gracia, ang babaeng sanggol na kalabaw na tinawag na Sharon ng mga kanayon ay may normal na pangangatawan tulad ng ordinaryong hayop sa bukid, subalit ang hugis ng ulo ay walang pinagka-iba sa ulo ng tao.
Iginiit pa niya na ang mga mata ng 4-araw na gulang na kalabaw ay tulad sa mata ng isang tao na may itim sa gitna at puti sa paligid nito, maging ang ibang bahagi ng ulo tulad ng ilong, tenga at bibig ay sadyang iba maliban lamang sa mga balahibo na bumabalot sa buong kalabaw.
Malakas naman ang suspetsa ng mga residente na ang inang kalabaw ay hinalay ng hindi kilalang lalaki kaya lumabas ang taong kalabaw.
Sa kasalukuyan ay nagiging palaisipan sa mga residente ang kakaibang anyo ng kalabaw na pinaniniwalaang magdadala ng salot o suwerte sa kanilang kabuhayan. (Ulat ni Victor Martin)