Granada nilaro ng may topak; 2 patay

CAMP CRAME – Dalawa-katao ang namatay kabilang ang isang baliw na naglaro ng granadang sumabog habang dalawa pa ang nasugatan sa naganap na madugong insidente sa Alimodian, Iloilo kamakalawa.

Kabilang sa nasawi sina Leonardo Borbon, 49, ng Brgy. Ulodan, Alimodian, may diperensiya sa pag-iisip at si Manuelio Aguaras, 40.

Si Borbon ay agad nasawi matapos masapul sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang si Aguaras ay idineklarang patay sa Aleosan District Hospital.

Ang dalawang nasugatan ay nakilala namang sina Jay Anduloy at Ronel Capilitan, pawang 19 taong gulang, at naninirahan sa Brgy. Durog, Leon.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-2:20 ng hapon nang maganap ang pagsabog ng granada na pinaglaruan ng nagwawalang baliw na si Borbon sa Beauty Parlor ni Aguaras, Alimodian Public Market, Iloilo.

Nabatid na nagpumilit pumasok sa nasabing parlor si Borbon na may hawak na granada subalit pinalabas at pinagsarhan ito ni Aguaras.

Bunga nito ay nagalit si Borbon at pinagsisipa ang pintuan ng parlor hanggang sa mabitiwan nito ang granada at sumabog na ikinasawi nito at ng naturang sibilyan habang dalawa pa ang nasugatan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments