Magkakapatid humabol sa Undas

BAAO, Camarines Sur – Tatlong kalalakihan na pawang magkakapatid na magtutungo sa sementeryo para dalawin ang puntod ng yumaong mahal sa buhay ay sila pa ngayon ang paglalamayan makaraang masalpok ang sinasakyan nilang owner-type dyip ng pampasaherong bus sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Agdangan sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Ang mga biktimang halos mayupi sa sinasakyang dyip na may plakang DBS-932 ay nakilalang sina Gregorio Jr., Ronilo at Rodolfo Gimantog at residente ng Purok 5, Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte.

Naitala ng pulisya ang pangyayari bandang ala-1:45 ng madaling-araw habang ang St. Jude aircon bus na may plakang EVM-480 ay patungo sa Tabaco City mula sa Maynila.

Samantala, ang sinasakyang owner-type dyip ng mga biktima ay patungo namang Daet, Camarines Norte at may posibilidad na inaantok ang drayber na si Gregorio Jr. kaya naidlip hanggang sa makasalubong nito ang rumaragasang pampasaherong bus, ayon pa sa ulat ng pulisya.

Matapos ang aksidente ay agad namang sumuko sa himpilan ng pulisya ng Baao ang drayber ng bus na si Efren Basaysay ng Bacacay, Albay para panagutan ang malagim na pangyayari. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments