7 NPA rebels nalambat

CAMP CRAME – Pitong kalalakihan na pinaniniwalaang kumalas sa makakaliwang kilusan bago nagtayo ng panibagong hukbo ang iniulat na nalambat ng mga tauhan ng pulisya sa liblib na bahagi ng Sitio 3, Barangay Pulong Gubat, Canbada, Pampanga kamakalawa.

Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga rebeldeng sina Raymund Alo, 34; Cesario Manalo, 42; Rodolfo de la Cruz, 43; Ronald Dayrit, 35; Larry Mendoza, alyas Ka Lin; Juanito Brier, alyas Ka Joan, 48 at Gary Santos, 21 na pawang kasapi ng bagong grupo ng rebelde na tinawag na Hukbong Militanteng Bayan.

Base sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-5 ng hapon nang makorner ang pitong rebelde ng mga tauhan ng pulis-Candaba at 310th Provincial Police Mobile Group (PPMG).

Dahil sa impormasyong nakalap ng pulisya tungkol sa presensya ng pitong rebelde habang nagsasagawa ng pagpapatrulya ay agad naman nakorner at hindi na nakapalag pa.

Nasamsam din sa mga rebelde ang anim na Armalite rifles, kalibre 7.62, dalawang granada, 19 maikling magazine para sa M-16 Armalite rifle, 380 bala para sa M-16 at tatlong mahabang magazine para sa M-16. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments