Sikyu nag-Russian roulette, patay

LUCENA CITY – Nakipaglaro kay kamatayan kaya natuluyan ang isang security guard na tinamaan ng bala ng baril sa ulo makaraang maglaro ng Russian roulette sa binabantayang planta ng yelo sa Purok Langka, Brgy. Mayao Crossing sa lungsod na ito kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Supt. Edgar Layon ang biktimang si Alfredo Lavilla, 54, may asawa ng Soler St., Atimonan, Quezon.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na natagpuan sa kaliwang kamay ng biktima ang apat na bala ng kalibre .38 baril na pinaniniwalaang tinanggal nito bago isagawa ang paglalaro ng Russian roulette.

Sa salaysay ng dalawang trabahador ng Yellow Ice Plant na sina Ronald Francia at Sosimo Gervis sa pulisya, namataan nila ang biktima sa loob ng guard house na may hawak na baril at makailang ulit na itinututok nito sa kanyang ulo.

Hindi naman pinansin ng dalawa ang ginagawa ng biktima na nakaupo sa guard house sa dahilang naglalaro lamang ito.

Bandang alas-4:30 ng madaling-araw nang umalingawngaw ang malakas na putok sa kinaroroonan ng biktima hanggang sa matagpuan nakabulagta. (Ulat nina Tony Sandoval at Celine Tutor)

Show comments