Alalay ni Al-Ghozi nalambat

CAMP AGUINALDO – Nagwakas din ang matagal na pagtatago sa batas ng alalay ni Fathur Rohman Al-Ghozi na kasapi ng teroristang Abu Sayyaf makaraang malambat ng mga elemento ng militar at pulisya sa checkpoint na sakop ng Barangay Camanga, Dumalinao, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat, si Omar Opik Lasal, alyas Merang Abante na kilalang kasamahan ni Abu Sayyaf chieftain Khadafi Janjalani ay nasakote habang lulan ng pampasaherong van bandang alas-6:10 ng gabi.

Ang pagkakadakip sa puganteng bomb expert ng Sayyaf na magtutungo sana sa Pagadian City mula sa bayan ng Dinas, Zamboanga del Sur ay sanhi ng impormasyong ibinigay ng asset sa militar na tinukoy sa alyas na Muktar Sali.

Napag-alamang si Lasal ay pumuga kasama si Fathur Rohman Al-Ghozi at ang napatay na si Abdul Mukim Ong Edris noong Hulyo 14, 2003 mula sa PNP Intelligence Group detention cell sa Camp Crame.

Nakumpiska ang kalibre.45 baril habang pinalaya naman ang 12 pasahero na naging kasama ni Lasal na lulan ng van matapos na mapatunayang walang kaugnayan sa teroristang nalambat.

Ayon pa sa ulat ng militar na pitong bayan sa Zamboanga Peninsula at apat na bayan sa Zamboanga Sibuya ang sinuyod ng mga awtoridad sa paghahanap kay Al-Ghozi.

Samantala, inihayag ni AFP Vice Chief of Staff at tagapagsalita na si Lt. Gen. Rodolfo Garcia na nabibilang na ang araw ng puganteng si Indonesian terrorist Fathur Rohman Al-Ghozi. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments