Lalaki napatay sa kasalan

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Hindi akalain ng isang 41-anyos na mister na kakalawitin na siya ni kamatayan makaraang mabaril ang biktima sa dinaluhang kasalan na ikinasugat din ng dalawa pa kamakalawa ng gabi sa Barangay Julugan 8, Tanza, Cavite.

Idineklarang patay sa ospital ang biktimang si Renato Arbolante ng Barangay Julugan 4, ng bayang ito, samantala, ginagamot naman sa Philippine General Hospital (PGH) ang nakabaril na si Florentino Abueg, 68, hepe ng barangay tanod at ang sibilyang tinamaan ng ligaw na bala ng baril na si Ernesto Arendilla, 49, ng nasabi ring barangay.

Napag-alaman sa imbestigasyon ni SPO4 Renato Arenas na naging bisita ang biktima sa kasalan at matapos na makainom ng ilang bote ng alak ay nagpaputok ng baril sa ere.

Agad na nilapitan ng hepe ng barangay tanod si Arbolante para sitahin pero matapos ang mainitang pagtatalo ay umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok.

Magkasunod na isinugod sa ospital ang dalawa pero hindi na umabot ng buhay ang biktima. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments