Mayor inalerto sa terorismo

Nakaalerto na ang 1, 496 alkalde sa buong bansa para makasiguro na mapipigilan ang anumang paghahasik ng lagim ng grupo ng terorista na kaalyado ng bansang Iraq.

Sa pahayag ni Binalonan, Pangasinan Mayor Ramon Guico Jr., presidente ng Mayors League of Municipalities na pinakilos na nila ang kani-kanilang peace and order council para paghandaan ang anumang banta na samantalahin ang pag-atake ng US sa Iraq kahapon.

Ayon kay Guico Jr., pinakalat na nila ang lahat ng barangay tanod at mga kasapi ng Bantay-bayan sa mga planta ng kuryente at imbakan ng tubig partikular na sa mga tunay na maaaring isabotahe ng mga terorista.

Pangunahing priority ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan na maseguro na may mabibili ang mga residente at binalaan ang mga negosyanteng nag-iimbak ng mga pangunahing pagkain katulad ng bigas na papatawan ng kaukulang parusa kapag napatunayang nagtatago sila ng pangunahing commodities. (Ulat ni Perseus Echeminada)

Show comments