Pulis nahagip ng bus, patay

CABANATUAN CITY– Isang alagad ng batas mula sa Cabanatuan City police station ang kumpirmadong nasawi makaraang mabundol ng pampasaherong aircon bus habang ang biktima ay nagbibisikleta sa kahabaan ng Barangay D.S. sa lungsod na ito kamakalawa ng tanghali.

Namatay sa Nueva Ecija Doctor’s Hospital ang biktimang si SPO2 Aquino Abaya, 51, may asawa ng 189th PC compound, Burgos Avenue sa naturang lungsod.

Sumuko naman ang driver ng Hino bus (TWB-972) na si Antonio Torres Jr., 50, may asawa ng 72 Zapote St., Camarin, Caloocan City.

Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naitala ang aksidente dakong alas-12:15 ng tanghali makaraang lumagpas ang bus sa nagbibiskletang biktima, ngunit nahagip at nakaladkad ng may ilang metro. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments