2 kidnaper dedo sa encounter

COTABATO CITY – Napatay sa pakikipagbarilan ang dalawang kilabot na kasapi ng kidnap-for-ransom gang ng mga ahente ng Anti-Kidnapping Task Force Tugis at naligtas naman ang 13-anyos na batang babae na dinukot sa Cagayan de Oro noong Enero 8, 2003.

Nakilala lamang ang dalawang nasawing kidnaper sa alyas na Talib at Kadil, kapwa tauhan ng nadakip na mastermind na si David Ampatuan, 27, isinagawa ang rescue operation noong Biyernes, Enero 24, 2003 ng umaga sa San Pablo Subdivision sa lungsod na ito.

Sinabi ni Army Major Julieto Ando, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, naganap ang engkuwentro habang dadalhin ng mga awtoridad si Ampatuan sa Cagayan de Oro City para ikulong at kasuhan.

Dahil sa may nakapagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad na dalawang tauhan ni Ampatuan ay nag-aabang sa daraanan ng sinasakyan ng kanilang amo kaya inabangan subalit lingid sa mga suspek ay nakahanda na ang mga escort na militar.

Pagdating sa Barangay Gubat, Datu Odin Sinsuat ay namataan na ng tropa ng 6th Infantry Division ang dalawang kidnaper na may dalang bag.

Tinangkang pagsabihan ng mga awtoridad na sumuko na ang dalawa ngunit nakipagpalitan ng putok kaya gumanti naman ang militar na ikinasawi ng mga suspek.

Narekober sa dalawang bag ang mapa, iba’t ibang uri ng bala ng baril at anti-tank B-40 rockets. (Ulat ni John Unson)

Show comments