Paslit dedo sa granada, mag-asawa grabe

CAMP AGUINALDO — Lasog ang katawan at namatay ang isang 2-anyos na batang lalaki, samantala, malubhang nasugatan ang mga magulang nito matapos na hagisan ng granada ng takas na preso ang kanilang bahay sa General Santos City kahapon ng madaling-araw.

Hindi na nasilayan pa ng biktimang si Jeremy Baja ang pagpasok ng Bagong Taon matapos itong masawi sa trahedya.

Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga magulang nitong sina Jimmy at Loreta Baja, residente ng Lanton, Brgy. Apopong ng nasabing lungsod.

Base sa ulat ng AFP-Southcom, ang pangyayari ay naganap habang ang mga biktima ay mahimbing na natutulog sa kanilang bahay dakong ala-una ng madaling-araw.

Napag-alaman na nagulantang na lamang ang mga kapitbahay ng pamilya nang marinig nila ang isang malakas na pagsabog.

Pinaghahanap naman ang isang alyas Ambong na pangunahing suspek sa krimen.

Si Ambong ay ipinakulong ng mag-asawang Baja nitong nakalipas na buwan dahil sa pagnanakaw sa kanilang sari-sari store.

Si Ambong ay nakatakas kamakailan lamang sa kinapipiitan nitong selda at pinalalagay na pinaghigantihan ang pamilya Baja. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments