Biyenan tinodas ng manugang na bagong gising

DEL GALLEGO, Camarines Sur — Nagawang patayin ng isang manugang na bagong gising ang kanyang biyenan matapos na ito ay mairita sa sermon kahapon ng umaga sa Brgy. Pinagdapian sa bayang ito.

Putok ang ulo dahil sa palo ng matigas na kahoy ang tumapos sa buhay ni Teresita Marasigan, samantala, ang suspek na ngayon ay nakakulong sa police detention cell ay nakilalang si Fortunato de Jesus, 42, jobless at kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya na sinita ng biktima ang bagong gising na suspek dahil sa ginawang pag-inom ng alak at pagkalango kamakalawa ng gabi.

Dito umiral ang kasabihang "magbiro ka na sa lasing huwag lang sa bagong gising" kaya nairita ang suspek at isinagawa ang krimen. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments