Sikyu agaw-buhay sa nakaduwelong parak

TIAONG, Quezon Isang security guard ang nasa kritikal na kondisyon ngayon matapos makipagduelo sa pulis sa isang kainan sa Barangay Talisay sa bayang ito kamakalawa ng madaling araw.

Ayon sa ulat na ipinaabot kay Quezon PNP Provincial Director P/Supt. Roberto Rosales, nakilala ang sikyu sa nagtamo ng 3 tama ng bala ng 45 caliber pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan na si Efren Panopio, 33 anyos na nasa peligrong kalagayan ngayon sa San Pablo Medical Hospital.

Samantala kinilala naman ang pulis na nakatunggali ni Panopio na si P/Supt. Gilbert Sauro taga-Masbate na naka-assign sa Pasig City Police Station.

Batay sa impormasyong nakalap ng mga awtoridad, tumigil ang bus na sinasakyan ng pulis na patungong Manila upang kumain, na dito naman nagtatrabaho ang sekyu.

Matapos kumain ni Sauro ay nagtaka ito dahil hindi ini-start ang bus para magpatuloy sa pagbibiyahe, nagtanong siya sa sekyu at nalaman na sira ito, dito nagalit ang pulis hanggang sa magtalo ang dalawa na humantong sa barilan.

Sa kasalukuyan ay nakadetine si Sauro sa istasyon ng pulis sa bayang ito. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments