Anak ng ex-comedian tinigok sa inuman

MALOLOS, Bulacan – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang anak na lalaki ng dating komedyanteng na si Jerry Pons ng tatlong kalalakihan habang nakikipag-inuman ng alak sa mga kaibigan sa labas ng kanyang bahay sa Brgy. Malanggam sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Pitong tama ng bala ng kalibre .45 pistola ang tumapos sa buhay ni Michael Perez, 31, may asawa, samantala, dalawa sa tatlong suspek na ngayon ay nakapiit ay nakilalang sina Rodolfo Teodoro, 24, may asawa at Ricky Balais, 35, kapwa residente ng Tabing ilog, Sitio Malusak sa naturang lugar.

Sa isinumiteng ulat kay P/Sr. Supt. Edgar Acuña, Bulacan PNP provincial director, naganap ang pangyayari dakong alas-9 ng gabi habang nakikipagtalo sa kainumang kaibigan ang biktima nang biglang sumulpot ang mga suspek saka isinagawa ang krimen.

May palagay ang pulisya na ang motibo ng krimen may may kaugnayan sa ilang nakabinbing kaso ng biktima. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments