Brgy. chairam at kaibigan inambus paglabas ng sabungan

SUBIC, Zambales – Isang barangay chairman at ang kaibigan nito ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA), habang palabas sa cockpit arena lulan ng isang owner type jeep sa Sitio Mapanao, Brgy. Asinan ng bayang ito kamakailan.

Ang mga nasawi ay nakilalang sina Barangay Chairman Federico Bonilla, 52; ng Brgy. Calapandayan at Virgilio Fernandez ng Sta. Rita, Olongapo City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi habang palabas ng cockpit arena ang mga biktima nang harangin ng may 20 armadong NPA.

Kaagad pinaulanan ng bala ang mga biktima at tiniyak na patay na ang mga ito bago nagsilisan.

May hinala na may kinalaman sa droga ang pagpatay sa mga biktima. (Ulat ni Erickson Lovino)

Show comments