Madugong halalan nakaamba

ANTIPOLO City – Inaasahang magiging magulo at maaaring dumanak pa ng dugo ang isasagawang eleksiyon sa lungsod na ito matapos na kapwa hindi dumalo ang dalawang mortal na magkalabang kandidato sa pagka-alkalde dito sa ipinatawag na "Peace Covenant" sa Rizal PNP Command.

Bandag alas-9 ng umaga kahapon nang isagawa ni Rizal Provincial Director, Supt. Arturo Tolentino ang nasabing pulong upang pagharapin ang mga lokal na kandidato at palagdain sa isang kasunduan para sa isang mapayapang halalan sa buong lalawigan.

Nabatid na dumalo lahat ng kandidato mula sa pagka-Gobernador hanggang sa pagka-Mayor at Bise-Mayor sa 1 lungsod at 13 bayan maliban kina Daniel Garcia at Mayor Angelito Gatlabayan, kapwa ng Antipolo City.

Labis na ikinabahala ito ni Tolentino dahil sa mga uncomfirmed reports na nagsasabing may sariling mga private army na ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang dalawang kandidato.

Partikular na pinatutukan ngayon ni Garcia sa PNP ang Antipolo City upang matiyak na walang karahasang magaganap sa kampanya at sa aktuwal na eleksyon dito at upang maiwasan ang pandaraya sa bilangan sa balota.

Nabatid na inindorso pa ni Garcia, alkalde ng lungsod hanggang 1998 si Gatlabayan bilang kahalili niya. Ngunit dahil sa napabayaan umano ang lungsod ay muling lumaban si Garcia sa eleksyon upang maipatupad niya ang kanyang mga plano para sa lungsod. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments