Jailguard na nagpalabas ng preso para mangholdap, sinuspendi

LUCENA CITY – Sinuspinde ng tatlong buwan at malamang na tuluyan ng patalsikin sa serbisyo ang isang jailguard sa Quezon Provincial Jail (QPJ) dahilan sa ginawa nitong paglalabas ng isang preso sa selda at saka ginamit sa panghoholdap.

Ang suspensyon kay Luisito David, provincial jailguard sa QPJ ay iniutos kamakalawa ni Quezon Gov. Wilfrido Enverga matapos na matanggap ang ulat tungkol sa conspiracy sa naturang piitan na nasa ilalim ng pamamahala ng provincial governmemt.

Nabatid na bukod sa pakikipagsabwatan sa mga preso upang gumawa ng krimen ay may mga nakabinbin pang kaso si David na naganap din sa naturang piitan noong nakalipas na taon.

Nabulgar ang katiwalian sa QPJ matapos na ituro ng isang Robert Morales, 14, suspect sa panghoholdap na kasama niya sa krimen si Jaime Maravilla, inmate sa nabanggit na piitan na umano’y inilabas ni David sa selda at ibinalik matapos ang isang oras makaraang isagawa ang panghoholdap. Patuloy naman ang isinasagawa pang pagsisiyasat sa iba pang katiwalian sa naturang piitan. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments