Political leader ni Lani Mercado nilikida

BACOOR, Cavite — Hindi pa man dumarating ang halalan ay mainit na ang pulitika sa lalawigan ng Cavite makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang barangay captain na sinasabing political leader ni Lani Mercado Revilla ng apat na hindi nakikilalang salarin sakay ng isang tricycle, kamakalawa ng gabi sa Barangay Molino ng bayang ito.

Ang biktima na hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ay nakilalang si Tarcicio Dalman, 46. Mabilis namang nagsitakas ang mga salarin matapos ang isinagawang krimen.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:20 ng gabi habang ang biktima ay masayang nakikipag-inuman sa kanyang mga kapitbahay di kalayuan sa kanilang bahay nang bigla na lamang tigilan ng isang tricycle lulan ang mga suspect.

Walang sabi-sabing pinaulanan ito ng bala ng baril na agad niyang ikinasawi. Hindi pa malaman ng pulisya kung ano ang motibo sa isinagawang pagpaslang , subalit naniniwala ang mga kaanak nito na may bahid ng pulitika ang naganap na krimen. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments