7 tepok sa heat stroke, 77 pa nagkasakit – DOH

People buy coconut water to cool themselves along a road in Manila on April 24, 2024, as extreme heat affected the country.
AFP / Ted Aljibe

Dahil sa matinding init ng panahon

MANILA, Philippines — Pito katao ang naita­lang patay habang 77 ang kabuuang kaso ng heat-related illness ang naitala mula Enero 1 hanggang Abril 29 dahil sa matin­ding init ng panahon, ayon sa report ng Department of Health (DOH) kahapon.

Tinukoy ng DOH Event-based Surveillance and Response System ang isang demographic vulnerability, na may 67 kaso na nakakaapekto sa mga indibidwal sa pagitan ng edad na 12 hanggang 21 taong gulang.

Gayunman, dahil sa hindi sapat na datos,  ang mga nasawi ay kasalukuyang may label na non-conclusive para sa heat stroke, ayon sa DOH.

Kumplikado ang mga naturang kaso, kung saan maaaring maiugnay ang mga pagkamatay sa ma­tinding init ng panahon, kabilang ang heat stroke, o iba pang mga kadahilanan na bunsod ng init tulad ng pagtaas ng blood pressure na nauuwi sa atake sa puso.

Pinayuhan ng DOH ang publiko na manatiling hydrated at magpakonsulta kung nakararanas ng mga sintomas ng mga sakit na nauugnay sa init.

Sa nakaraang advisory, naitala ang 34 na heat-related illnesses mula Enero 1 hanggang Abril 18, mula sa Central Visayas, Ilocos Region, at  Soccsksargen.Anim dito ang naitalang namatay bagamat patuloy pa ang berebikasyon sa tunay na sanhi.

Show comments