4 araw na pasok, nakasalalay sa mga employer - DOLE
MANILA, Philippines — Inihayag ni Dept.of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Benjo Benavidez na “prerogative” umano ng isang kumpanya ang pagpapatupad ng “four-day workweek”.
Ito ay sa kabila ng mga panawagan ng ilang grupo dahil sa tindi ng init na nararanasan at mabigat na traffic na araw-araw na pinapasan ng mga manggagawa.
“‘Yung tinatawag po nating four-day workweek, isa po ito sa mga tinatawag nating flexible work arrangement. Ito pong mga flexible work arrangement, ito po ay prerogatiba at option ng mga employer in consultation na rin sa mga manggagawa,” saad ni Benavidez.
Nang tanungin kung inirerekomenda ng DOLE ang naturang patakaran, sinabi ni Benavidez na depende ito sa pangangailangan ng kumpanya.
“Kung yan po ay talagang masisigurado natin yung kaligtasan nung mga manggagawa o kaya mas mame-maintain natin o lalo nating ma i-improve ‘yung productivity pa nung kumpanya, then why not?” ani pa ni Usec. Benavidez.
Matatandaan na simula Mayo ay ipatutupad na sa Department of Finance (DOF) ang “four-day workweek” upang maibsan umano ang pasanin ng mga empleyado nito na nahihirapan sa matinding trapiko sa Metro Manila.
- Latest