UN rapporteur dapat nang pauwiin - Gadon
MANILA, Philippines — Dapat nang pauwiin at ibalik sa kanyang pinanggalingan si United Nations (UN) rapporteur Ian Fry dahil sa panghihimasok nito sa bansa.
Ito ang sinabi ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon at panggugulo lamang ang ginagawa ni Fry nang irekomenda nito ang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang tulad ni Fry ay hindi dapat na hinahayaang manghimasok sa mga polisiya ng pamahalaan na nakatuon sa pag-aahon sa kahirapan ng marami nating kababayan lalo na ang mga nasa malalayong lugar na natutulungan ng NTF-ELCAC.
Ang NTF-ELCAC aniya ay itinatag upang mahusay na mapatakbo at maimplementa ang “whole-of nation/government approach” ng pamahalaan para tulungan ang mga Filipino na pinagkakaitan ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF at mga kaalyado nito ng kanilang mga karapatan.
Giit pa ni Gadon, ang NTF-ELCAC ay di lamang suportado ng nakaraang administrasyon kundi pati na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang mga kasalukuyang mga mambabatas sa Kamara at Senado.
- Latest