Ika-5 suspect-witness sa Degamo slay, bumaligtad na rin

MANILA, Philippines — Isa pang suspect-witness sa Degamo slay case at ikalima na bumawi ng kanyang testimonya na nagdidiin kay Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa krimen.

Ayon sa abogado ng suspect-witness na si Joven Javier na si  Atty. Danny Villanueva, na binawi ng kanyang kli­yente ang apat nitong testimonya na ang una ay noong  Marso 5 sa harap ng mga pulis sa Negros Oriental at ang tatlo ay sa harap ng  National Bureau of Investigation sa Maynila.

“Ang sabi niya kasi, ‘yung nauna sa pulis na binabanggit doon na siya ay kasama sa mga unang ni-recruit, na kasama siya noong December 22, 2022, na nag-attempt sana na-ambushin si Governor Degamo at nung mga panahon na ‘yun ay doon sila nag-stay sa isang safe house malapit sa ancestral house ng mga Teves,” wika ni Villanueva.

“Yun po ang nagi-implicate kay Congressman sa una niyang pahayag,” dagdag nito.

Si Teves ay isinasangkot sa naganap na pagpatay kay  Degamo at 9 iba pa noong Marso 4 na kung saan ay sinabi ni  Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang una ay utak sa krimen na ilan beses na rin itong pinabulaanan.

Ayon pa kay Villanueva, na idinagdag ng NBI ang iba pang pangalan ng mga suspek sa affidavit ni Javier na mga alyas lang.

Sumang-ayon si Javier dahil hiniling umano ng NBI agent na makipagtulungan sa imbestigasyon at sinabi rin ng una na siya ay tinorture ng mga pulis sa Negros Oriental at sa Maynila.

Wala pang tugon ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at National Bureau of Investigation kaugnay nito.

Magugunita na una nang bumaligtad ang apat na suspect-witness na kinilalang sina Osmundo Rivero; Rogelio Antipolo Jr.; Romel Pattaguan; at Daniel Lora.

Show comments