PWD ID isinusulong na maging ‘lifetime’
MANILA, Philippines — Dahil sa dinaranas na hamon sa pagre-renew ng mga identification cards (ID), isinusulong ni Senador Sonny Angara ang panukalang batas na gawing “lifetime” na ang validity ng ID ng mga piling persons with disabilities (PWDs).
Nais ni Angara na gawing lifetime ang ID ng mga PWDs na may permanente na ang kapansanan.
Sinabi ni Angara na dapat pairalin ang “common sense” at hindi na kailangang i-renew ang PWD ID ng mga taong hindi na gagaling sa kanilang kapansanan.
Kabilang aniya dito ang mga may kapansanan na makikita naman agad sa kanilang pisikal na paggalaw o hitsura.
Sa kasalukuyan, ang mga PWD ay kinakailangang mag-renew ng kanilang mga PWD ID kada tatlong taon batay sa ilalim ng National Council on Disability Affairs Administrative Order No. 001 series of 2021.
Sinabi ni Angara na ang pagre-renew ay nagdudulot ng malaking hamon sa karamihan ng mga PWD na may mga isyu sa mobility dahil kailangan nilang personal na humarap upang masuri.
- Latest