Ambulansiya vs trak: 6 todas

MANILA, Philippines — Anim na katao ang nasawi nang magsalpukan ang truck at ambulansya kamakalawa ng hapon sa Zamboanga del Norte.

Kinilala ang mga nasawi na sina Joseph Lopena, drayber ng ambulansya; Mario Macatual, drayber ng trak; Analisa Maribojoc; Princess Gold Ejan Sangilan; Julie Jay Sumonglay at isang hindi pa nakikilalang biktima. Habang tatlong sakay ng ambulansiya at isang pahinante ng trak ang nasugatan.

Batay sa report ng Zamboanga del Norte Municipal Police Station, alas-2:00 ng hapon naganap ang insidente sa national highway sa Sitio Guisokan, Doña Josefa, Sindangan, Zam­boanga del Norte.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Liloy Municipal hall ang ambulansya at patu­ngong Dipolog City, Zamboanga del Norte at habang binabaybay ang nasabing kalsada bigla na lamang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng hauler truck na si Macatual.

Napunta sa kabilang linya ang truck hanggang sa sumalpok ito sa ambu­lansya na minamaneho naman ni Lopena.

Agad dinala sa Sindangan District Hospital ang mga biktima, subalit idineklarang dead on arrival ang anim.

Show comments