7 PMA cadets na sangkot sa pagkamatay ni Dormitorio isasalang sa court martial
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Philippine Military Academy (PMA) Corps of Cadet commandant Brigadier General Robert Brawner Jr., na ang pitong kadete na mga suspects sa pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio ay isasalang sa court martial.
Kinilala ang mga ito na sina PMA Cadets 3rd Class Shalimar Imperial, Felix Lumbag Jr., John Vincent Manalo, Julius Carlo Tadena at Rey David John Volante, Cadet 2nd Class Christian Zacarias, at Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao.
Ayon kay Brawner Jr., napagdesisyunan na ng mga opisyal na kailangang dumaan sa court martial ang pitong kadete bilang bahagi ng kasong administratibo laban sa mga ito na una nang sinampahan ng kasong murder at paglabag sa anti-hazing at anti-torture law sa Baguio City Prosecutors Office.
Sinabi pa ni Brawner na ang mga ito ay lilitisin sa paglabag sa Article of War (AW) 96 conduct unbecoming a gentleman and an officer at AW 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline).
Pansamantala ay sa PMA muna ang kustodya ng nasabing mga kadete at sa oras na simulan na ang court martial ay itu-turnover na ang mga ito sa kustodya ng General Headquarters sa Camp Aguinaldo.
Ipinauubaya naman sa pamunuan ng AFP kung isasalang din sa court martial sina Major Rex Bolo at Captain Jeffrey Batistiana; pawang mga Tactical Officers ng nasabing mga kadete at PMA Hospital doctors na sina Col. Cesar Candelaria, Capt. Apple Apostol at Maj. Ofelia Beloy.
- Latest