Parak nanutok ng baril, tiklo

MANILA, Philippines - Huli ang isang kagawad ng Philippine National Police (PNP) matapos nitong tutukan ng baril ang isang gasoline boy  na nagkamali sa paglalagay ng gasolina sa sasakyan ng  suspek noong Sabado ng gabi sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang suspek na si PO2 Reggie Mirando, na nakadestino sa Valenzuela City Police ay naka­kulong ngayon sa Manila Police District General Assignment Section.

Sinabi  ni SPO1 James Poso, ng MPD GAS,  tinutukan ng baril ni PO2 Mirando  si Jun Velardo, 25, ng Petron Gasoline Station sa kanto ng Rizal Avenue at Teodoro St. sa Tondo, dahil nagkamali si Velardo sa paglalagay ng krudo sa sasakyan ng pulis.

Napag-alaman na imbes na regular gasoline ay diesel umano ang naikarga ni Velardo  sa sasakyan ng pulis kaya sa galit nito ay binunot umano ang  kanyang baril saka itinutok sa gasoline boy.

Ang naturang insidente ay nairekord   sa CCTV ng gasoline station kaya hindi na nakapagkaila pa ang pulis noong siya ay ireklamo at arestuhin.

Si PO2 Mirando ay nahaharap ngayon sa pag­labag sa election gun ban at grave threats sa Manila Prosecutors Office.

Show comments