Highrisers bagsak sa Foxies

MANILA, Philippines — Winalis ng Farm Fresh ang Galeries Tower, 25-23, 25-22, 25-15, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pumalo si Mylene Paat-Rezanova ng 14 points mula sa 11 attacks at tatlong blocks para sa 1-0 record ng Foxies katabla ang mga opening day winners Creamline Cool Smashers at Choco Mucho Flying Titans.
“Basta ang importante sa amin, laging ilabas ‘yung best effort namin at maging intentional sa mga galaw namin,” sabi ni Paat-Rezanova.
Nagdagdag sina Ces Molina at Trisha Tubu ng tig-siyam na marka habang may limang puntos si Jonna Perdido para sa koponan ni Japanese coach Koji Tsuzurabara.
Bigo ang Highrisers sa kanilang unang laro kagaya ng Capital1 Solar Spikers at Akari Chargers.
Dumaan sa butas ng karayom ang Farm Fresh para maiposte ang 2-0 lead sa laro bago sila nagtabla ng Galeries Tower sa 7-7 sa third set.
Isang 11-0 atake ang pinakawalan ng Foxies para ilista ang 18-7 lead patungo sa kanilang straight-set victory.
Bumida si Erika Deloria sa Highrisers sa kanyang 10 points, habang nalimitahan sina Aiza Pontillas, Gayle Pascual at Lycha Ebon sa tig-apat na marka.
Nakahugot ang Farm Fresh ng 23 points mula sa mga unforced errors ng Galeries Tower.
Sa ikalawang laro, pinabagsak ng Nxled ang PLDT, 25-16, 25-20, 25-18, para kaagad sumampa sa win column tampok ang pagbabalik-aksyon ni Fil-Am Brooke Van Sickle.
Bumira si Van Sickle ng 11 points para pangunahan ang Chameleons kasunod ang tig-siyam na marka nina Myla Pablo at Jackie Acuña.
- Latest





















