Alas spikers ‘di kinaya China

MANILA, Philippines — Isang 18-25, 22-25, 8-25 kabiguan ang nalasap ng World No. 56 Alas Pilipinas sa paghahamon sa No. 7 China sa kanilang unang laro sa 20th Asian Games women’s indoor volleyball competition kahapon sa Okazaki Chuo Sogo Park Gym sa Aichi, Japan.
Pinamunuan ni Angel Canino ang mga Pinay spikers sa kanyang hinataw na 14 points, habang may 10 markers si Eya Laure.
Pumalo si Alyssa Solomon ng siyam na puntos at naglista si veteran setter Jia De Guzman ng 13 excellent sets sa kanilang 0-1 record sa Pool B.
Nakatakdang labanan ng Alas Women ang Kazakhstan ngayong alas-12 ng tanghali sa pagtatapos ng group stage.
Ang top two teams sa bawat apat na grupo ang aabante sa quarterfinals.
“We’re really trying to absorb all of the experience that we can because we know that this is a stepping stone for all of the plans in the future for the Philippine national volleyball team,” ani De Guzman na miyembro ng Alas Women na huling naglaro sa Asiad noong 2018 sa Jakarta, Indonesia kung saan sila tumapos sa pang-walong puwesto.
Ipinakita ng mga Chinese ang kanilang pagiging defending champion at nine-time gold medalist ng Asian Games nang dominahin ang first set, 25-18.
Ngunit pumalag ang Alas Women sa second set matapos tumabla sa 20-20 mula sa kill block ni middle blocker Thea Gagate.
Isang 5-2 atake ang pinamunuan ni Xin Tang para tuluyan nang selyuhan ng mga Chinese ang nasabing yugto at ilista ang 2-0 kalamangan sa laro.
- Latest

















