MANILA, Philippines — Kinaldag ng Rain or Shine ang NLEX, 113-101, para sa ikalawang sunod na panalo sa 2023 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Dikit pa ang laban sa 84-84 pagkatapos ng third quarter bago kumawala ang Elasto Painters sa dulo para umangat sa 2-5 kartada matapos matisod sa unang limang laban.
Limang players ang tumipa ng double digits sa pamumuno ng 23 points, 18 rebounds, 4 assists, 1 steal at blocks ni import Demetrius Treadwell.
Umalalay sa kanya sina Beau Belga at rookie Keith Datu na may 12 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, habang may tig-12 markers sina ace guards Rey Nambatac at Andrei Caracut.
May 9 points din si Santi Santillan at may tig-7 sina Mark Borboran at rookie na si Adrian Nocum para sa mga bataan ni coach Yeng Guiao.
Nakaiskor ng unang panalo ang Rain or Shine kontra sa Blackwater, 115-110, matapos tumaob kontra sa San Miguel, 110-115, Phoenix, 98-98, NorthPort, 103-113, at Meralco, 102-107.
Kontra sa Road Warriors ay hindi nagpaawat ang Elasto Painters kahit naiwan sa halftime, 54-60.
Nakatabla ang Rain or Shine sa third quarter bago ungusan ang NLEX sa fourth period, 29-17, patungo sa tagumpay.
Nalasap ng Road Warriors ang ikatlong sunod na kabiguan kahit may 32 puntos, 8 rebounds at 4 steals si import Stokely Chaffee Jr.