Pacers laban sa Lakers sa In-Season finals

LAS VEGAS — Isi­nalpak ni Tyrese Haliburton ang kanyang ikatlong three-pointer sa huling minuto ng laro at kinalabog ang dibdib sabay ti­ngin sa pulso niya na parang sinasabing: “It’s our time!”

Tumipa si Haliburton ng 27 points at 15 assists para tulungan ang In­diana Pacers sa 128-119 pagsibak sa Milwaukee Bucks papasok sa championship game ng inaugural In-Season Tournament.

Lalabanan ng Pacers ang Los Angeles Lakers para sa NBA Cup matapos patalsikin ang New Orleans Pelicans, 133-89, sa ikalawang semifinal match.

“We’re playing the right way and we’re shocking the world right now, we’re going to continue to do that,” ani Haliburton. “And as long as we play the right way, we know we’re going to be in every basketball game.”

Nagdagdag si Myles Turner ng 26 points para sa Indiana, habang may 14, 11 at 10 markers sina Obi Toppin, Isaiah Jackson at Bruce Brown, ayon sa pagkakasunod.

Binanderahan ni Gian­nis Antetokounmpo ang Bucks sa kanyang ti­napos na 37 points at 10 re­bounds at may 24 mar­kers si guard Damian Lillard.

Nag-ambag si Khris Middleton ng 20 points kasunod ang 18 markers ni Brook Lopez.

Samantala, humataw si LeBron James ng 30 points para akayin ang La­kers sa panalo sa Pelicans at makaharap ang Pa­cers sa finals.

Umiskor si Austin Reaves ng 17 points para sa Los Angeles at ku­molekta si Anthony Da­vis ng 16 points at 15 re­bounds, habang may 15 markers si Taurean Prince.

Show comments