Creamline, Cignal nakatutok sa PVL championship ticket

MANILA, Philippines — Ilalabas na ng Creamline at Cignal ang kanilang buong puwersa sa Game Two para tuldukan ang kani-kanilang best-of-three semifinals series sa 2023 PVL 2nd All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Sasagupain ng HD Spikers ang Choco Mucho Flying Titans ngayong alas-4 ng hapon, samantalang titipanin ng Cool Smashers ang Chery Tiggo Crossovers sa alas-6 ng gabi.

Dumaan muna sa butas ng karayom ang HD Spi­kers bago makuha ang 1-0 abante sa serye matapos ita­rak ang 18-25, 23-25, 25-14, 25-19, 15-10 panalo kontra sa Flying Titans noong Huwebes.

“We already know that this semifinals series will just have a one day interval for each game so we’re prepared for this. But we really need to recover well after this five-set battle,” wika ni HD Spikers head coach Shaq Delos Santos.

Bumandera sa naturang panalo si outside hitter Ces Molina na humataw ng 23 points kasama ang 19 excellent digs at 16 receptions.

Mas madali naman ang naging daan ng Cool Sma­shers na kinailangan lamang ng tatlong sets para patumbahin ang Crossovers sa hiwalay sa semis match, 25-18, 27-25, 25-22.

Wala pa ring bahid ang rekord ng Cool Smashers na sumulong sa 12-0 rekord.

Show comments