MANILA, Philippines — Nabugaw na rin ni De La Salle University head coach Topex Robinson ang multo na umaalingawngaw sa kanya pagsampa niya sa best-of-three championship series ng UAAP Season 86 men’s basketball.
Ito’y matapos angkinin ng Green Archers ang korona nang kalusin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 73-69, sa Game Three.
Tatlong beses nawalis at hindi nakatikim ng panalo sa finals si Robinson bilang head coach.
Lumalabas na 0-7 sa finals si Robinson nang matalo ang Taft-based team sa Game One.
Sumampa sa Finals si Robinson noong 2011 at San Sebastian pa ang hawak niya sunod ang Lyceum of the Philippines at ginabayan niya ito papunta sa finals noong 2017 at 2018, pero winalis lang lahat ng San Beda Red Lions.
Kaya naman naging sobra ang saya ni Robinson nang matikwan ang tagumpay bilang coach.
Maliban sa kamalasan ni Robinson ay nakalsuhan na rin ng DLSU ang pitong taon na pagkalugmok sa pagsilo ng korona matapos ang panalo sa Game Three.
“You have to give credit to the coaches who came before me and built this team. They’ve really done a tremendous job and I’m just so grateful for these guys that were with me throughout this season,” pahayag ni Robinson.
Hindi napanghinaan ng loob si Robinson sa 67-97 blowout defeat ng DLSU sa Game One at bumangon agad ang mga tropa niya upang masungkit ang 82-60 panalo sa Game Two.
Naukit na ang pangalan ni Robinson sa listahan ng mga Green Archers coaches na nagwagi kaagad ng kampeonato sa kanilang unang taon,
Nauna rito si Franz Pumaren (1998) sunod si Juno Sauler (2013) at pangatlo si Aldin Ayo (2016).