MANILA, Philippines — Matapos makalasap ng unang panalo, hindi na magpapaawat ang Rain or Shine kontra sa NLEX, habang tangka ng San Miguel at NorthPort na mapalawig ang winning streak sa 2023 PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magpapambuno ang Elasto Painters (1-5) at Road Warriors (2-4) ngayong alas-4 ng hapon bago ang banggaan ng Beermen (3-1) at Batang Pier (4-2) sa alas-8 ng gabi.
Kagagaling ng Rain or Shine sa unang panalo kontra sa Blackwater, 115-110, tampok ang bagong import na si Demetrius Treadwell matapos ang limang sunod na kabiguan upang manatiling buhay sa kontensyon.
Sasakay ang mga bataan ni coach Yeng Guiao sa momentum ng tagumpay na iyon sa tulong nina Rey Nambatac, Santi Santillan, Andrei Caracut, Gabe Norwood, James Yap at rookie Adrian Nocum.
Kahit may bago ding import na si Stokley Chaffee ay sadsad sa dalawang sunod na kabiguan ang Road Warriors, pinakabago ang dikit na 94-97 pagyukod sa Meralco.
Nakasakay naman sa tatlong sunod na panalo ang SMB kahit wala si seven-time MVP June Mar Fajardo (hand injury).