MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinapos ng De La Salle University ang pitong taon nilang pagkauhaw sa korona.
Ito ay makaraang ilusot ng Green Archers ang 73-69 panalo sa University of the Philippines Fighting Maroons sa Game Three ng UAAP Season 86 men’s basketball championships kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itiniklop ng La Salle sa 2-1 ang kanilang best-of-three titular showdown ng UP matapos maiwanan sa 0-1.
Si Most Valuable Player Kevin Quiambao ang bumandera sa Green Archers matapos ang floater na nagbigay sa kanila ng 70-67 bentahe sa huling minuto ng fourth quarter.
Nauna nang hinawakan ng Fighting Maroons ang 61-55 kalamangan matapos ang three-point shot ni CJ Cansino sa pagsisimula ng nasabing yugto.
Tumapos si Quiambao na may 24 points at 9 rebounds.
Sa women’s division, tinuldukan ng University of Sto. Tomas Growling Tigresses ang pamamayagpag ng National University Lady Bulldogs matapos itarak ang 71-69 panalo.
Sinandalan ng Growling Tigresses ang clutch basket ni Nikki Villasin para agawin sa Lady Bulldogs ang titulo na pitong taon nang nasa kanilang bakuran.
Tabla ang iskor sa 69-69, isinalpak ni Villasin ang layup sa huling 11.8 segundo sapat para tapusin ang 17 taong pagkauhaw ng UST sa titulo.
Pinamunuan ni Tantoy Ferrer ang opensa para sa Espana-based squad sa kanyang 19 points at 14 rebounds at bumakas sina Kent Partrana at Villasin ng 6 at 12 markers. ayon sa pagkakasunod.
May tsansa sanang masungkit ng NU ang pang-walong sunod na kampeonato, pero nagmintis si Kristine Cayabyab sa kanyang potential game-winning triple.
Tumipa si Cayabyab ng 18 markers.
Nasilo Growling Tigresses ang pang-12 women’s crown at nalampasan ang 11 ng FEU Lady Tamaraws.