TNT amoy na ang Philippine Cup crown
MANILA, Philippines — Halos abot-kamay na ng nagdedepensang TNT Tropang Giga ang korona ng All-Filipino conference.
Humakot si 2008 PBA MVP Kelly Williams ng 21 markers, 9 rebounds, 3 assists at 2 steals para sa 102-93 pagbasag ng Tropang Giga sa San Miguel Beermen sa Game Five ng 2022 PBA Philippine Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tangan ang 3-2 lead sa kanilang best-of-seven title series, pipilitin ng PLDT franchise na sibakin ang SMB sa Game Six bukas para makamit ang pang-pitong All-Filipino title at ika-siyam sa kabuuan.
“We expected it to be difficult. We expected it to be tough and the next game is not gonna be different,” sabi ni nine-time PBA champion coach Chot Reyes.
Sa huling tatlong minuto tuluyang nakalayo ang Tropang Giga matapos ang dunk ni Poy Erram at triple ni Kelly Williams na nagbaon sa Beermen sa 100-91 sa nalalabing 1:06 minuto ng fourth period.
Kumamada si Mikey Williams ng 23 points at nag-ambag si Erram ng 17 points, 6 boards at 2 assists habang may 14 markers si Roger Pogoy para sa TNT.
Kumolekta si six-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 20 points at 16 rebounds sa panig ng SMB at may 16, 12 at tig-10 markers sina Jericho Cruz, CJ Perez at Vic Manuel, ayon sa pagkakasunod.
“Just try to slow him down and give some resistance and hope for the best,” sabi ng 40-anyos na 2008 PBA MVP na si Kelly Williams sa pagbabantay niya sa 6-foot-10 na si Fajardo.
- Latest