Letran lumapit sa titulo
MANILA, Philippines — Lumapit ang nagdedepensang Letran Knights sa back-to-back crown matapos takasan ang Mapua Cardinals, 68-63, sa Game One ng 97th NCAA men’s basketball finals kahapon sa Filoil Flying V Arena sa San Juan City.
Humakot si Brent Paraiso ng 14 points, 5 rebounds at 5 assists at nagtala si Louie Sangalang ng 14 markers, 7 boards at 2 blocks para sa 1-0 lead ng Knights sa kanilang best-of-three titular showdown ng Cardinals.
Maaari nang angkinin ng Letran ang kanilang ikalawang sunod na titulo sa pagsagupa sa Mapua sa Game Two sa Linggo.
Tumapos si Rhenz Abando na may 13 points at 7 rebounds na nagkaroon ng left ankle sprain sa 3:20 minuto ng third period matapos ang kanyang follow-up dunk at hindi na nakabalik sa laro.
Kinailangan ng Knights na bumangon mula sa 10-point deficit, 19-29, sa second period at 58-62 agwat sa Cardinals sa huling 3:19 minuto ng fourth quarter.
Isang 8-0 atake ang binanderahan nina Paraiso at Fran Yu para sa 66-62 bentahe ng Letran sa natitirang 15.3 segundo.
Ang split ni King Caralipio sa huling 10 segundo ang nag-angat sa Knights sa 67-62 sa nalalabing 10 segundo para selyuhan ang kanilang panalo sa Cardinals.
- Latest