76ers pinatibay ang tsansa sa No. 3 seed sa East playoffs
PHILADELPHIA — Humakot si Joel Embiid ng 41 points at 20 rebounds sa paggabay sa 76ers sa 133-120 paggupo sa Indiana Pacers.
Tumipa si Embiid ng 14-for-17 fieldgoal shooting para sa Philadelphia (50-31) na gustong makopo ang third seed sa Eastern Conference playoffs.
Nag-ambag si James Harden ng 22 points at 14 assists, habang may tig-18 at 15 markers sina Tobias Harris, Tyrese Maxey at Danny Green, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor si Oshae Brissett ng 20 points kasunod ang 19 markers ni Tyrese Haliburton para sa pang-siyam na sunod na kabiguan ng Indiana (25-56).
Nakadikit ang Pacers sa six-point deficit sa third period matapos mabaon ng 21 points sa first half.
Ngunit nagtuwang sina Embiid at Harden para kontrolin ang laro at ihatid sa panalo ang 76ers.
Sa San Antonio, naglista sina Jonathan Kuminga at Jordan Poole ng tig-18 points sa 100-94 panalo ng Golden State Warriors (52-29) sa Spurs (34-47) bagama’t hindi naglaro sina Stephen Curry at Klay Thompson.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Warriors para palakasin ang kapit sa No. 3 spot sa Western Conference.
Sa Los Angeles, humataw si Paul George ng 23 points at career high na 12 assists sa 117-98 pagpapatumba ng Clippers (41-40) sa Sacramento Kings (29-52).
Nagposte ang Clippers ng 5-1 record sapul nang bumalik si George sa lineup.
Lalabanan nila ang Minnesota Timberwolves (46-35) sa Martes para sa play-in tournament.
Sa Memphis, naglista si Ja Morant ng 21 points sa kanyang pagbabalik mula sa right knee injury para sa 141-114 pag-ubos ng Grizzlies (56-25) sa New Orleans Pelicans (36-45).
Ito ang unang laro ni Morant matapos mawala sa siyam na laban ng second-seeded Memphis.
- Latest