Gin Kings iginarahe ang Dyip
MANILA, Philippines — Muling ipinakita ng nagdedepensang Barangay Ginebra ang kanilang pamosong ‘never-say-die’ spirit.
Bumalikwas ang Gin Kings mula sa 22-point deficit sa third quarter para pabagsakin ang Terrafirma Dyip, 112-107, at patibayin ang tsansa sa quarterfinals ng PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kumolekta si Scottie Thompson ng triple-double na 20 points, 13 rebounds at 11 assists para sa ikalawang sunod na ratsada ng Ginebra na nagtaas sa kanilang baraha sa 5-4.
“Coming to this game sabi ni coach Tim (Cone) every game is different,” ani Thompson. “Naunahan kami sa first half pero ipinakita namin iyong never-say-die spirit namin.”
Nalaglag naman ang Terrafirma sa ikatlong dikit na kabiguan para sa 2-7 marka.
Kinuha ng Dyip ang 34-20 abante sa first period na kanilang pinalobo sa 66-44 mula sa three-point shot ni rookie Joshua Munzon sa pagbubukas ng third quarter.
Unti-unting nakalapit ang Gin Kings hanggang agawin ang 104-103 abante mula sa triple ni LA Tenorio sa 3:26 minuto ng final canto.
Sa ikalawang laro, humataw sina import Mike Harris at Paul Lee ng tig-26 points para banderahan ang Magnolia sa dominanteng 104-87 pagbasag sa San Miguel.
Lumapit ang Hotshots sa ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals matapos makabangon mula sa una nilang kabiguan sa torneo para sa 7-1 marka.
Tumapos si five-year NBA veteran Shabazz Muhammad na may 27 points, 17 rebounds at 2 assists para sa 5-4 kartada ng Beermen.
- Latest