Clarkson bida sa panalo ng Jazz
SAN ANTONIO — Kumamada si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 23 points para banderahan ang Utah Jazz sa 110-104 paggupo sa Spurs diretso sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Nagtala si Clarkson ng 9-for-21 fieldgoal shooting para sa Utah (24-9) na naglaro na wala si injured guard Donovan Mitchell.
Nakadikit ang San Antonio (14-19) sa 102-108 agwat sa huling 22 segundo ng fourth quarter bago isalpak ni Clarkson ang kanyang dalawang free throws para selyuhan ang kanilang tagumpay.
Humakot si center Rudy Gobert ng 16 points at 13 rebounds para sa Jazz na nakahugot kina Bojan Bogdanovic at Joe Ingles ng 19 at 17 markers, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor si Derrick White ng 21 points at may 17 markers si Doug McDermott sa panig ng Spurs na napigilan ang three-game winning streak.
Sa Phoenix, tumipa si Ja Morant ng 33 points, kasama ang layup sa huling 0.5 segundo, para sa 114-113 pagtakas ng Memphis Grizzlies (21-14) sa Suns (26-7).
Naglista si Devin Booker ng 30 points para sa Phoenix habang nasa COVID-19 protocols naman sina Deandre Ayton at Jae Crowder at coach Monty Williams.
Sa Atlanta, naghulog si DeMar DeRozan ng 35 points at may 30 markers si Zach LaVine sa 130-118 pagdaig ng Chicago Bulls (21-10) sa Hawks (15-18).
Sa Portland, humataw si Kristaps Porzingis ng season-high 34 points para igiya ang Dallas Mavericks (16-17) sa 132-117 panalo sa Trail Blazers (13-20).
Sa iba pang laro, wagi ang Brooklyn Nets sa Los Angeles Clippers, 124-108; binigo ng Charlotte Hornets ang Houston Rockets, 123-99; at nanaig ang Minnesota Timberwolves sa Boston Celtics, 108-103.
- Latest