^

PM Sports

Ibang laban ang hinarap ng Sports

Russell Cadayona - Pang-masa

MANILA, Philippines — Kakaibang kalaban ang hinarap ng Philippine sports sa taong 2020.

Hindi ito kinayang pabagsakin ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao, iskoran ng Barangay Ginebra, lundagan ni pole vaulter Ernest John Obiena, patulugin ni world bantamweight titlist Johnriel Casimero, hatawin ni Pinay tennis sensation Alex Eala, sapawan ni online karate World No. 1 James delos Santos at mautakan ni FIDE Master Sander Severino.

Ang coronavirus disease (COVID-19) na unang nadiskubre sa Wuhan, China noong Disyembre ng 2019 ay nagsimulang kumalat sa Pilipinas noong Enero ng 2020 at naging pandemya noong Marso.

Dahil dito ay ipinatupad ng Malacañang ang mga quarantine restrictions sa nuong bansa at nagpatupad din ng lockdowns sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nagpatigil sa sports.

Ngunit ang lahat ay nagsikap na labanan ang coronavirus at may mga atletang umangat  na nagbigay ng liwanag sa gitna ng COVID-19 pandemic.

James delos Santos

Isinara ni Delos Santos ang taong 2020 sa kinolektang 36 gold medals mula sa mga sinalihang international virtual kata competitions para angkinin ang No. 1 spot sa world rankings sa kanyang 15,710 points.

Gumawa rin ng record ang 30-an-yos na Cebuano, two-time Southeast Asian Games bronze medalist, nang magposte ng highest score sa isang world online kata sa inilistang  26.1 points sa Katana Inter-Continental Karate League e-Tournament.

Ernest John Obiena

Hindi rin nagpahuli si Obiena, sasabak sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan, nang humakot ng isang ginto, dalawang pilak at tatlong tansong medalya sa mga bigating pole vault tournaments na nilahukan ng mga Olympic Games gold medalists at world champions.

Johnriel Casimero

Noong Setyembre ay umiskor si Casimero ng isang third-round TKO victory laban kay Ghanian challenger Duke Micah sa Connecticut, USA para mapanatiling suot ang kanyang WBO bantamweight crown.

Sa US din ginawa ni Olympic-bound middleweight Eumir Felix Marcial ang kanyang pro debut nang talunin si American Andrew Whitfield via unanimous decision sa kanilang four-round fight sa Los Angeles, California.

Samantala, napurnada ang pagtarget ni world four-divison king Nonito ‘The Filipino” Donaire Jr. sa bakanteng WBC bantamweight belt laban kay Emmanuel Rodriguez ng Puerto Rico nang magpositibo ito sa COVID-19.

Alex Eala

Nakamit ng 15-anyos na si Eala ang World No. 2 sa ITF junior ranking noong Oktubre matapos makapasok sa semifinals ng 2020 French Open girls’ singles at umangat ang kanyang career high WTA singles ranking na 1180 noong Nobyembre.

Nauna nang nagreyna si Eala, kasama si Indonesian partner Priska Madelyn Nugroho, sa 2020 Australian girls’ doubles event noong Pebrero.

Carlos Edriel Yulo

Tatlong bronze medal naman ang ibinulsa ni Olympic-bound gymnast Carlos Edriel Yulo sa mga nilahukang  All Japan Seniors at 74th All-Japan Championships.

Sa pagtiklop ng 2020 ay hinirang ang 19-anyos na si Yulo bilang No. 1 sa floor exercise sa world rankings.

Los Angeles Lakers kampeon ng NBA bubble

Matagumpay na nairaos ng NBA ang kanilang season sa loob ng ‘bubble’ sa Orlando, Florida sa ila-lim ng pagpapatupad sa mahigpit na health at safety protocols.

Tinalo nina Le-Bron James at Anthony Davis at ng LA Lakers si Jimmy Butler at ang Miami Heat sa NBA Finals para sa ika-17 kampeonato ng prangkisa na kanilang inalay sa yumaong star player na si Kobe Bryant.

Ginebra kampeon ng PBA bubble

Ang ‘bubble’ concept ng NBA ay ginaya ng PBA at  naipagpatuloy ang naudlot na 2020 Philippine Cup noong Oktubre sa Clark, Pampanga. Pinatumba ng Ginebra ang Tropang Giga, 4-1, sa kanilang championship series para makopo ang ika-13 PBA crown at unang All-Filipino title sapul noong 2007.

Gilas Pilipinas

Winalis naman ng Gilas Pilipinas team ang dalawang FIBA Asia Cup Qualifiers ng 2020.

Sa ilalim ni TNT Tropang Giga active consultant Mark Dickle na nagsilbing interim Gilas coach, tinambakan ng RP team ang Indonesia, 100-70 sa kanilang homecourt sa Jakarta noong Pebrero na sinundan ng pag-sweep ng Gilas cadets team ni coach Jong Uichico sa Thailand sa kanilang dalawang laro noong November window sa loob din ng bubble sa Manama, Bahrain para bumandera sa Group A bitbit ang 3-0 record.

Zamboanga, United City FC

Kagaya ng PBA, nailaro rin sa loob ng ‘bubble’ ang Chooks to Go 3x3 Pilipinas President’s Cup sa Calamba, Laguna na pinagharian ng Zamboanga, habang namayani ang United City FC sa 12-day tournament ng Philippines Football League (PFL) sa Carmona, Cavite.

Sander Severino

Si Sander Severino, na-diagnose na may muscle dystrophy sa kanyang murang edad, ang naghari sa online World Championship para sa mga chess players na may physical disabilities noong Hunyo.

No. 10 Yuka Saso

Umagaw naman ng eksena si Pinay golfer Yuka Saso, ang 2018 Asian Games double gold medalist, matapos kumolekta ng premyong P43.8 milyon sa kanyang professional rookie year mula sa mga nilahukang NEC Karuizawa, Nitori Ladies, US Women’s Open at Australian Ladies Open tournaments.

May mga personalidad ding naging laman ng sports sa nagdaang taon.

Aldin Ayo

Sa collegiate basketball, pinatawan ng UAAP ng indefinite ban si head coach Aldin Ayo dahil sa isinagawang training camp ng UST Growling Tigers sa kanyang probinsya sa Sorsogon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Calvin Abueva

Inalis na rin ng PBA ang indefinite suspension kay Phoenix small forward Calvin Abueva noong Oktubre 25 matapos ang 16 buwan dahil sa pambabastos sa nobya ni dating Blackwater guard Ray Ray Parks, Jr. at paghataw sa ulo ni TNT import Terrence Jones sa eliminasyon ng PBA Commissioner’s Cup noong Hunyo ng 2019.

Manny Pacquiao

Matapos namang talunin si American Keith Thurman via split decision noong Hulyo ng 2019 ay hindi naidepensa ni Pacquiao ang kanyang bitbit na WBA welterweight crown sa kabuuan ng 2020.

Ito ay dahil sa kabiguang maplan-tsa ang kanilang unification fight ni Terence Crawford habang pumayag naman ang fighting Senator na labanan si UFC superstar Conor McGregor sa isang boxing match sa kalagitnaan ng 2021.

Dahil sa pandemya ay kinansela na rin ng UAAP, NCAA, Philippine SuperLiga, Philippine Volleyball League (PVL) at iba pang liga ang kanilang mga torneo.

Sa pagkakaroon ng bakuna para sa COVID-19 sa taong 2021 ay umaasa ang mga Filipino athletes na muling magbubukas ang mga competition venues para sa kanila sa harap ng mga humahangang libu-libong sports fans.

 

vuukle comment

SPORTS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with