Rondina nakatutok sa pagsabak sa beach volleyball
MANILA, Philippines – Wala munang oras para sa indoor volleyball si Philippine Sportswriters Association (PSA) Ms. Volleyball awardee Sisi Rondina dahil mas focus siya sa beach volleyball ngayong taon.
Walang patid ang pagsasanay at paghahanda ni Rondina kasama ang partner na si Bernadeth Pons para sa kanilang pagsabak sa ilang local at international beach volley tournament.
Nakatakdang sumabak sina Rondina sa Beach Volleyball Republic (BVR) sa Marso 27-29 sa Puerto Galera at isang FIVB One Star tournament sa Thailand sa Abril.
“Mayroon akong local this 27 to 29 sa Puerto (Galera), BVR ‘yun and alam ko may international din, and hopefully this April 8 to 11 FIVB one star sa Thailand and may mga international kami pero nagkakaproblema lang because of COVID-19,” ani Rondina.
“Kami ni Pons, wala kaming ibang inisip kundi makakuha pa ng experience when it comes to international talaga, lalung-lalo na noong nag-SEA Games kami.”
Naibulsa ng Philippine men’s at women’s team ang tansong medalya noong 2019 Southeast Asian Games na tumapos sa 14-year medal drought ng bansa sa nasabing sports.
Lubos ang pasasalamat ng UAAP season 80 Most Valuable Player sa karangalang ipinagkaloob sa kanya ng PSAl.
“Siyempre, nagpapasalamat kami kasi hindi naman namin ito makukuha kung wala kayo and we’re truly blessed talaga na isa kami sa mga napili,” ani Rondina. “Same lang kami ng ginawa para sa team namin and syempre ‘yung passion namin sa volleyball talaga.”
- Latest