Lady Chiefs pinosasan ang Letran Lady Knights
MANILA, Philippines — Matapos madungisan ang malinis na kartada ay bumalikwas pabalik sa win-column ang Arellano University Lady Chiefs nang padapain ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-14, 26-28, 25-19, 25-16, sa NCAA season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumida muli si reigning Finals Most Valuable Player Regine Arocha matapos magrehistro ng 19 points mula sa 15 attacks, 3 aces at 1 block para patatagin ang kapit ng tropa sa ikalawang puwesto hawak ang 6-1 baraha.
Nagparamdam din si Necole Ebuen nang mag-ambag siya ng 13 markers at 8 excellent digs, habang gumana rin para sa tropa sina Carla Donato at Princess Bello na may 12 at 8 points, ayon sa pagkakasunod.
Nagawa mang makabawi sa huling pagkatalo nito kontra Perpetual Help ay aminado pa rin si head coach Obet Javier na takot siya sa pabagu-bagong laro na ipinapakita ng kanyang tropa ngayong season.
“Nakakatakot ‘yung performance ng team ko kasi pabagu-bago. Dapat hindi ganooun ‘yung takbo eh,” sabi ni Javier. “Nanalo kami pero hindi ganoon kasaya dahil ang dami pa ring lapses ng team. Maisip sana ng players ko na ‘yung mga nangyayari sa laro. Sana maisip nila na hindi dapat puwedeng ganoon every game na laging may pagbabago.”
Wala na rin sa isip ni Javier na masikwat ang top spot sa eliminations at nais na lamang niya na mas mapalakas ng Arellano ang pagkapit sa second seed para hindi sila magahol patungo sa inaasam na ikaapat na sunod na Finals appearance.
Umariba namang muli si Chamberlaine Cunada matapos magtala ng 16 points para sa Lady Knights na natengga sa ikalimang puwesto sa 3-3 kartada.
Sa men’s division, winalis ang Arellano Chiefs ang Letran Knights, 25-22, 25-12, 25-17, para sa 5-2 baraha at malinis pa rin sa 6-0 ang Arellano Braves nang pabagsakin ang Letran Squires, 25-12, 25-21, 23-25, 25-20, sa juniors division.
- Latest