Ateneo wagi sa FEU; Suerte bumida sa UE
MANILA, Philippines — Dumiretso ang nagdedepensang Ateneo De Manila University sa kanilang ikaapat na sunod na ratsada, habang nagtala naman si Rey Suerte ng career-high para sa unang panalo ng University of the East sa UAAP Season 82 men’s basketball tournament.
Dinagit ng Blue Eagles ang Far Eastern University Tamaraws, 63-46, para patuloy na solohin ang liderato kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Humakot si big man Ange Kouame ng 14 points, 12 rebounds at 3 blocks at nagdagdag si Adrian Wong ng 13 markers tampok ang tatlong three-point shots para sa Ateneo.
Kumolekta naman si star guard Thirdy Ravena ng 12 points, 10 rebounds at 2 blocks para sa Blue Eagles na kaagad iniwanan ang Tamaraws sa 11-0 patungo sa 18-3 kalamangan sa pagtiklop ng first period.
Matapos kunin ng Ateneo ang 19-point lead, 42-23, sa 4:48 minuto ng third quarter ay nakalapit naman ang FEU sa 41-51.
“From the looks of it, we have to be a good defensive team since we can’t knock the ball down even in an ocean,” sabi ni Blue Eagles’ head coach Tab Baldwin.
Pinamunuan naman ni Barkley Ebona ang Tamaraws, nalasap ang ikalawang kabiguan sa tatlong laro, mula sa kanyang 8 points at 8 boards.
Sa unang laro, nagpasabog si Suerte ng game-high na 31 points para banderahan ang 89-88 paglusot ng Red Warriors kontra sa La Salle Green Archers.
Nagsalpak ang dating CESAFI MVP ng 5-of-7 shooting sa 3-point line kasama ang game-winning triple sa huling 3.2 segundo para sa unang panalo ni UE head coach Bong Tan.
Nagdagdag din si Suerte ng 7 rebounds at 3 assists para sa Red Warriors, tinapos ang tatlong sunod na kamalasan.
Ito ang ikalawang kabiguan ng Green Archers sa tatlong laban.
Ang tres ni Suerte sa natitirang 15.4 segundo ng final canto ang nagbigay sa UE ng 86-85 abante kasunod ang triple ni Aljun Melecio para sa 88-86 bentahe ng La Salle sa 10.8 segundo.
Naikonekta naman ni Suerte ang kanyang game-winning triple.
- Latest