Golf association at Razon gagawaran ng PSA award
MANILA, Philippines — Pararangalan ang golf association sa SMC-Philippine Sportswriters Association Annual Awards Night sa Pebrero 26 sa Manila Hotel.
Napili ang National Golf Association of the Philippines (NGAP) bilang National Sports Association (NSA) of the Year, habang si long-time sports patron Enrique Razon, Jr. ay gagawaran ng Executive of the Year award ng pinakamatandang media organization sa bansa sa event na inihahandog ng MILO, Cignal TV at Philippine Sports Commission (PSC).
Ang NGAP ang nagbigay sa kalahati ng kabuuang apat na gold medals ng bansa sa nakaraang 18th Asian Games sa Indonesia mula kay Yuka Saso sa women’s individual at sa women’s team kung saan nakasama ni Saso sina Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.
Pumalo rin si Pagdanganan ng bronze medal sa women’s individual competition para sa 1-3 finish ng mga Pinay golfers at hirangin bilang overall champion sa nasabing event.
Ito ang unang pagkakataon matapos ang 32 taon na nanalo ang golf ng gold sa Asiad o sapul nang pagharian ni Ramon Brobio ang men’s individual meet noong 1986 edition sa Seoul, South Korea.
Si Saso kasama ang women’s team ang hinirang na co-winner ng PSA Athlete of the Year kasama sina weightlifter Hidilyn Diaz at skateboarder Margielyn Didal sa event na inihahandog ng Philippine Basketball Association, Mighty Sports, ICTSI, SM Prime Holdings, Tapa King, Rain or Shine, NorthPort at Chooks To Go.
Ang 58-anyos namang si Razon ay kilalang avid golfer at major supporter ng sport sa bansa sa pamamagitan ng Philippine Golf Tour, pinopondohan ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) kung saan siya ang chairman at chief executive officer.
Kilalang philanthropist, tinulungan ni Razon ang amateur golf development ng bansa gamit ang ICTSI-The Country Club Program at sinusuportahan din ang Canlubang golf team.
Nagpasok siya ng ICTSI basketball team sa Philippine Basketball League (PBL) na kinabibilangan ng mga players ng De La Salle Green Archers.
Si Razon at ang NGAP ay bahagi ng 75 awardees sa PSA list.
- Latest