Red Lions hangad ma-sweep ang serye
Pirates, Perez hihirit ng game three
MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ni CJ Perez ay inaasahan ang resbak ng Lyceum Pirates laban sa nagdedepensang San Beda Red Lions sa kanilang muling paghaharap sa Game Two ng best-of-three championship series ng Season 94 NCAA men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nabigo ang Pirates sa Game One, 73-60, noong Nobyembre 6 dahil sa one-game suspension ng 2017 MVP awardee na si Perez dahil hindi siya nagpaalam sa NCAA Management Committee sa kanyang pagsumite sa application sa 2018 PBA Rookie Draft sa susunod na buwan.
Dahil wala ang No. 1 shooter ng Pirates ay umabot pa sa malaking 25 puntos ang bentahe ng Red Lions, 68-43, bago naibaba nina import Mike Nzeusseu at Jaycee Marcelino sa sampu lamang, 58-68, sa huling 1:38 minuto ng laro.
“We’re excited to have him (CJ Perez) back. It’s good to see him play again for us,” ayon kay LPU coach Topex Robinson.
Muling maghaharap ang Red Lions at Pirates ngayong alas-4 ng hapon, habang asam din ng nagdedepensang SB-LSGH Greenies na angkinin ang ikalawang sunod na korona sa pagsagupa sa Mapua Red Robins sa alas-2 sa Finals ng junior’s division.
Nagwagi rin ang Greenies laban sa Red Robins, 74-69, sa Game One noong Nobyembre 6.
Hangad naman ng 21-time champions na Red Lions na sungkitin na ang kanilang ikatlong sunod na titulo sa pangunguna nina pro-bound Robert Bolick na umiskor ng 12 points, 9 rebounds at 1 assist sa Game One at si Javee Mocon na umani ng 14 markers mula sa 5-of-9 fieldgoal shooting.
Bukod kina Bolick at Mocon, sasandal din si coach Boyet Fernandez kina Cameroonian import Donald Tankoua na tumulong din ng 10 points at 15 rebounds at Fil-Canadian na si James Canlas.
Tiyak ding hahataw ang Marcelino twins na sina Jaycee at Jayvee katuwang sina Jesper Ayaay at Nzeusseu para sa Pirates ni Robinson.
“They’re a different LPU team without CJ (Perez) but we are really prepared against CJ Perez and we’ll see what happens,” sabi ni Fernandez.
- Latest