Pacio tinalo si Naito para sa ONE crown
MANILA, Philippines — Tinalo ni Filipino Joshua Pacio si Yoshitaka Naito via unanimous decision para agawin sa Japanese ang suot nitong strawweight crown sa ‘ONE: Conquest of Heroes’ sa Jakarta Convention Center sa Jakarta, Indonesia noong Sabado ng gabi.
Ginamit ng 22-anyos na tubong Benguet ang kanyang mas mahusay na striking skills at magandang ground game para biguin si Naito.
Si Pacio ang ikatlong Team Lakay fighter na kumuha ng ONE title matapos sina flyweight champion Geje Eustaquio at interim bantamweight titlist Kevin Belingon.
Niresbakan ni Pacio si Naito na tumalo sa kanya via submission (rear-naked choke) sa Yangon, Myanmar noong 2016.
Pinaganda ng Filipino striker ang kanyang win-loss record sa 16-2, habang nalasap ni Naito ang ikalawa niyang kabiguan sa 15 laban.
Inialay naman ni Pacio ang kanyang panalo sa mga kababayan niya sa Benguet na sinalanta ng bagyong ‘Ompong’ noong nakaraang linggo.
“This fight is for all of them,” wika ng Igorot warrior. “I know that Cordillera will come back and rise again.”
Samantala, tinalo naman ni Danny Kingad ng Team Lakay si “Little Piranha” Yuya Wakamatsu sa pamamagitan ng unanimous decision.
Nakabangon si Kingad mula sa isang first-round knockdown sa pamamagitan ng kanyang mga takedowns sa sumunod na dalawang rounds.
Ang panalo laban kay Wakamatsu ang pangatlong sunod na ratsada ni Kingad para mapaganda ang kanyang kartada sa 8-1.
- Latest