FEU, UP unahan sa win No. 1
MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang Far Eastern University at University of the Philippines na makalapit sa titulo sa paglarga ng Premier Volleyball League Season 2 Collegiate Conference best-of-three championship series ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Magpapang-abot ang Lady Tamaraws at Lady Maroons sa alas-6 ng gabi matapos ang bakbakan ng Adamson University at University of Santo Tomas sa battle-for-bronze match sa alas-4 ng hapon.
Bahagyang lamang ang Lady Tamaraws sa championship experience dahil makailang ulit na itong nasilayan sa finals.
Noong nakaraang taon, pumasok din ang FEU sa finals ngunit natalo ito sa National University sa serye. Sa UAAP, nakahirit din ng tiket sa finals ang Lady Tamaraws subalit bigo itong makaporma sa reigning champion De La Salle University.
“I think we have a slight edge – experience-wise, compared for the first-time UP,” ani FEU mentor George Pascua.
Aariba para sa Lady Tamaraws sina Jerrili Malabanan, Celine Domingo, Heather Guinoo at Kyle Negrito na siyang mga beterano sa lineup ngunit nakakakuha ang tropa ng solidong suporta mula kay top rookie Lyca Ebon.
Sa kabilang banda, ito ang unang pagkakataon na nasa finals ang UP.
Sa men’s division, lalarga ang Game 1 ng best-of-three finals ng NU at UST sa alas-12 ng tanghali habang maghaharap naman ang FEU at Adamson sa battle-for-third place sa alas-10 ng umaga.
- Latest