Barbosa ‘di pa rin sigurado kung lalaro sa Phl team
MANILA, Philippines - Matapos ang pagdedesisyon ni GM Wesley so na mag-coach sa United States team sa 41st Chess Olympiad, tila madadagdagan ang iisipin ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) dahil hindi pa sigurado si second board player Oliver Barbosa kung lalaro o hindi para sa Pinas sa Aug. 1-15 na torneo sa Tromso, Norway.
“I’m not yet sure,” sabi ng 27-gulang na si Barbosa na umalis kasama si Mark Paragua patungong U.S. na masama ang loob dahil ang kanilang P30,000 buwanang suweldong natatanggap mula sa Philippine Sports Commission ay ibinaba sa P8,000 matapos silang mabigong makakuha ng gold medal sa nakaraang Southeast Asian Games sa Myanmar.
Ngunit ayon kay NCFP executive director at Phl non-playing captain GM Jayson Gonzales, inabisuhan na nila ang PSC na iangat si Barbosa bilang prio-rity athlete na nangangahulugang tatanggap siya ng P40,000 monthly salary.
Ayon kay Barbosa, hindi naman ito nangyari.
“That is what they (NCFP) said they’ll do, to raise my monthly allowance to P40,000 a month. But as of the month of June, my allowance remained at the developmental and junior level,” ani Barbosa.
May ulat na binigyan ng NCFP si Barbosa ng hanggang ngayong araw para magdesisyon dahil kung hindi ay aalisin siya sa team at maaaring bigyan ng kaparusahan ng PSC at Phl Olympic Committee.
Sa pagkawala nina So at Barbosa, ang bubuo ng team ay sina GMs Julio Catalino Sadorra, Eugene Torre at John Paul Gomez kasama ang bagong International na si Master Paulo Bersamina na papalit kay So.
Inaasahang ilalagay na kapalit ni Barbosa kung hindi siya sasama ay si Janelle Mae Frayna o si GM Darwin Laylo, ang fourth at fifth placer sa Battle of GMs noong nakaraang linggo.
- Latest