Yaya Ruth (5)

BINUKSAN ni Ruth ang shower sa loob ng kanyang banyo upang malunod ng lagaslas ng tubig ang kanyang boses. Saka niya kinuha ang nakatagong ikalawang cell phone sa ilalim ng lababo at nag-dial.

“Kumusta ang loob?” bungad ni Greg sa kabilang linya, ang handler niya sa sindikato, at ang lala­king matagal nang may lihim na pagtingin sa kanya.

“Malinis, Greg,” sagot ni Ruth habang nakasandal sa malamig na pa­der. “Sobrang mo­derno ng mansyon, pero alam mo kung ano ang nakakagulat? Walang kahit isang CCTV sa loob. Wala tayong poproblemahing blind spots. Kailangan ko na lang mahanap kung saan nakatago ang kaha de yero.”

Natahimik saglit si Greg. “Wala? Parang imposible naman ‘yun. Baka nakatago lang.”

“Nilibot ko na ang mga sulok kagabi,” giit niya. “Malinis talaga.”

“Eh ang mag-asawa? Kumusta?”

“May topak ‘yung misis. Pabagu-bago ang ugali, parang may tinatago. Pero ‘yung mister...

Napangiti si Ruth nang maalala ang mainit na dikit ng katawan nila ni Rafael sa pasilyo.

“Mabait. Madaling paikutin,” sabi ni Ruth at napakagat sa kanyang labi.

Bumigat ang pag­hinga ni Greg sa kabilang linya. “Kilala ko ang tono mong ‘yan, Ruth. Pagnanakaw ang pinasok mo diyan, hindi panla­landi. Pera at alahas ang dapat mong trabahuhin diyan, hindi ang amo mo. Huwag kang magpapadala.”

“Alam ko ang ginagawa ko, Greg,” iritadong sagot ni Ruth bago pinatay ang cell phone.

Itinago niya ang cell phone, pinatay ang shower, at nagbalot ng tuwalya. Pagbukas niya ng pinto ng banyo, napahinto siya.

Nakatayo sa gitna ng kanyang silid ang isang batang lalaki. Napakaamo ng mukha, at maayos na nakasuklay ang buhok, si Parker. Malayo sa nakakakilabot na malikmata niya kagabi kung saan tila umikot ang ulo nito.

Ngumiti ang bata at itinaas ang hintuturo sa kanyang labi.

“Shhh. Mukhang hindi gusto nung Greg kapag lumalapit ka kay Daddy, ‘di ba, Yaya Ruth?”

Itutuloy

Show comments