La Viuda (65)

NAGPAMBUNO sina Andres at Doña Presentacion sa gitna ng bulwagan habang unti-unting nilalamon ng apoy ang malalaking kurtina at ang kahoy na hagdanan. Nakasasakal na ang kapal ng usok, at bawat paghinga ay tila humihiwa sa kanilang lalamunan.

Inaagaw ni Andres ang patalim na hawak ng donya. Malakas ang Donya na tila may sumasanib na ibang nilalang dito. Nandidilat ang mga mata nito sa matinding kabaliwan habang pilit na idinidiin ang patalim patungo kay Andres.

Bago pa man tuluyang maidiin ng Donya ang patalim kay Andres,, mabilis na lumapit si Ernesto mula sa gilid at hinawakan ang braso ng ina upang maagaw ang patalim. “Mama, tama na! Masusunog tayong lahat dito!”

Sa lakas ng pagkakahila ni Ernesto at sa pagpu­pumiglas ni Andres, nawalan ng balanse si Doña Pre­sentacion sa madulas na marmol na sahig. Bumag­sak ang matanda nang patagilid, at sa hindi ina­asa­hang pagkakataon, ang hawak na patalim ang bumaon nang malalim sa tagiliran nito.

Napasinghap ang donya. Nabitawan niya ang pa­talim habang unti-unting kumalat ang dugo sa magara nitong damit.

“Mama!” sigaw ni Ernesto, agad na lumuhod sa tabi ng ina at pilit na tinakpan ng palad ang sugat nito. “Andres, tulungan mo akong buhatin siya! Kailangan nating lumabas!”

Lalapit na sana si Andres upang tumulong nang big­lang marahas na itulak ni Doña Presentacion ang mga kamay ni Ernesto. Puno ng dugo ang matanda, ngunit nakatingala siya sa itaas ng nasusunog na hagdanan, kung saan nakasabit ang malaking larawan ni Emilio na unti-unti nang dinidilaan ng apoy.

“H-Huwag...” umuubo at mahinang bulong ng donya, nakangiti nang nakakapangilabot sa gitna ng sakit at usok. “Hindi ako aalis... narito ang aking si Emilio. Dito ako mananatili kasama niya.”

“Huwag kang magsalita nang ganyan! Halika na!” umiiyak at nagmama­ka­awang hila ni Ernesto sa braso ng donya.

Isang nakabibi­nging lagitik ang uma­lingawngaw mula sa itaas. Bumigay ang isang ma­laking nasusunog na kisame at bumag­sak sa pagitan nina Ernesto at ng donya, nagpasabog ng libu-libong baga.

Itutuloy

Show comments